Archive for July, 2008

LP #14: Tatak Pinoy

July 3, 2008

Basta usaping “Tatak Pinoy” rin lang, ako’y talaga namang maaasahan.  Una palaging sumasagi sa aking isipan ang mga bagay na gawang-kamay (handcrafted) sa Pilipinas, “Made in the Philippines” ika nga.  Marahil ay alam na ng mga nakakakilala sa akin kung saan patungo ang panulat kong ito. *kindat*

Ang negosyo ng aming pamilya ay ang pageexport ng mga pangdekorasyon sa tahanan na pawang gawang kamay at gawa sa metal.  Regular na bumabayad ng mga dekalidad na designers ang aking ina upang kami’y laging may mga bagong disenyong maipakita sa mga mamimiling taga ibang bansa.  Karamihan ng mga bumibili sa amin ay mga bansa sa Europa (ang mga taga-America kasi, mas gusto ang mura.  Alam nyo na kung saan nakakabili ng mura…doon sa Tsina!).

Isa sa aking mga trabaho ay ang magdisenyo.  At ang mga ito ang aking pinaka paborito…

Ito ang aking “Balcony Collection”.  Pebrero ng 2003 ng aming unang ipakita ang mga ito sa isang trade fair sa Alemanya.  Marami kaming koleksyon na ipinakita ngunit karamihan ay disenyo ng isa pang designer.  Ang mga ito lamang ang akin.  Sampung piraso talaga ang mga ito ngunit 9 lang ang nadala ko dito sa America.  Laking tuwa ko noon dahil itong koleksyong ito ang pinaka napansin at isang malaking retail store dito sa America ang regular na bumili nito mula 2003 hanggang 2007. 

Ewan ko kung ano ang pumasok sa aking isipan.  Wala naman kasi akong sinusunod na paraan para makapaglikha ng mga bagong disenyo.  Parang may bumbilyang bigla na lang umilaw sa aking isipan.  Hahaha.  Naisipan ko ang mga eksenang karaniwang nangyayari sa mga balkonahe…sa mga condominium halimbawa.  Tara, tignan natin ng malapitan…


May naguusap na mga nagmamahalan.

 


May mga nakikipaglandianusap sa nakatira sa katabing balkonahe.


May nagpipinta.


May nakikipagtanawan gamit ang largabista!


Sino ito?  Magnanakaw na tumatakas o si mister na pauwi pa lang?  Lagot!  Baka makita ng mga may largabistang kapitbahay!  Ay, hindi pala, abala sila sa pakikipagtanawan.  Hahaha!


At may mga magkaibigang nagpapahangin lamang. :D

Nagpakuha rin ng litrato ang aking anak nang makitang kinukuhan ko ng litrato ang mga palamuti sa dingding.  Isinama ko na rin dito.  Tatak Pinoy rin naman si Abby kahit pilipit magsalita ng Tagalog.  Made in the Philippines yata ‘yan!  :P

Sana’y naibigan niyo ang aking lahok.  ;)   Mga pagkain naman ang isa ko pang lahok para sa LP.

ps.  Salamat sa Litratong Pinoy!  Kung di pa sa temang ito ay hindi ko maikakabit ang mga plakeng ito sa dingding.  Hahaha.  Hapon ng Miyerkules ko lang ikinabit ang mga ito.  *belat*